Suicide
Nakakatamad mabuhay.
Oo, nakakatamad. At nakakasawa. Lalo na kung wala kang trabaho o conceivable purpose sa buhay.
Yung mga tipong nakatambay ka lang at walang magawa. Tapos mainit pa. Yung kinukulit ka ng katawan mong gumawa ng kahit ano, ngunit sa kasawiang palad ay wala ka talagang maisip gawin.
O di naman kaya’y gusto mo ngang gumawa, kaso tinatamad ka naman pag gagawin mo na iyon. Parang iyong dilemma na gusto mong matulog ngunit hindi mo magawa, ngunit pag dinilat mo ang mata mo, ayaw naman niyang sumunod.
Nakakairita. Nakakainis. Nakakabaliw. Tipong gusto mo nang magpakamatay.
Nakakainis talaga iyong pakiramdam na nababagot ka na nga’t gusto mong lumabas, ngunit wala ka namang maayang kasama. Nitong nakaraang mga buwan, madalas ito ang mga dahilan kung bakit wala akong maimbita:
- Wala kang pera.
- Wala silang pera.
- Walang gusto iyong mga kasama mo kundi magpalibre lang.
- Ayaw nilang lumabas, kasi tinatamad din sila.
- Hindi talaga sila pwede dahil may mga lakad din sila.
- Walang kaaya-ayang imbitahin.
Isa sa mga pinakakinaiinisan ko ay iyong mga taong mukhang libre. Iyong tipong pepestehan kang ilibre mo siya kahit na may pambilli naman siya. Iyong mga ipapamukha pa sa iyong maramot ka’t ‘di marunong makisama dahil hindi mo siya binilhan gamit ang iyong sariling pera. Iyong pag nagdala ka ng sarili mong baon ay kailangan mong bigyan siya maski hindi siya humingi. Iyong sa tingin niya’y sa kanya umiinog ang mundo.Tapos hindi man lang magte-tenkyu, kahit na sa text man lang. Minsan, magrereklamo pa kapag hindi nagustuhan iyong binili mo para sa kanya.
Tapos pagdating mo sa bahay mo (o kung saan ka man nanunuluyan), mainit ang kwarto’t maingay ang mga tao. At hindi pa sila marunong makisama.
Mga tipong pagod ka na nga, iinisin ka pa. At hindi ka maaaring magreklamo kasi mababansagan kang hindi marunong makisama.
Nakakatamad mabuhay. At nakakasawa, kasi madalas paulit-ulit na lang ang nangyayari. Walang pagbabago; parang video na naka-loop ang isang bahagi.
Iyong araw-araw ka na lang pumaparito’t pumaparoon sa destinasyong ilang taon mo na ring kinasasawaan. Tapos maaabutan mo pa roon ang mga dakilang epal. Pagkatapos ng magdamag na pagtitiis, uuwi ka’t matutulog, para lamang muling maulit ang mga ito kinabukasan.
Tapos mapag-iisip-isip mo na parang may kulang sa buhay mo. Magtataka ka ngayon kung bakit ka naririto sa mundo, kung ano ba ang silbi ng buhay. Iyong uri ng mga tanong na mahilig sagutin (nang paulit-ulit) ng (maraming edisyon ng) librong Purpose Driven Life. Masasabi mo bigla sa sarili mo, “Grabe, napaka-monotonic naman ng buhay ko! I-enjoy ko naman kahit papaano ang pera ko!” At susubukan mong punan ng kaligayahan ang sarili mo, gaano man kaikli, sa pamamagitan ng pagbili’t pagkain ng kung ano-ano.
Kaso mapagtatanto mong wala nga pala sa Pilipinas ang mga gusto mong mapasaiyo, o ‘di kaya nama’y hindi kaya ng maliit mong allowance/kinikita. Maiirita ka ngayon at maiinggit sa mga taong nakatira sa ibang bansa (lalo na sa mga tinatawag nilang first-world countries). Masasabi mong bigla na napaka-loser naman ng Pilipinas, at aasaming makaalis, o kahit na makabisita man lang sa mga bansang nais mong mapuntahan.
Pagkalipas ng ilang oras, mapapansin mong gabi na pala’t kailangan mo nang matulog dahil marami pang gawaing nakalaan kinabukasan. At makakatulog ka nga pagkalipas ng ilang minuto, at gigising ka kinabukasan para suunging muli ang traffic at mga dakilang epal, sa saliw ng mga pangyayaring walang pinagbago sa nangyari na kahapon.
Nakakatamad ngang mabuhay. At nakakasawa.
Comments
None.