CRS Batch Run Results

Posted on: 21 Oct 2012 17:28:17 PST
Categories: CRS Scribbles UP Life
Tags: batch run crs

Kalalabas lang ng CRS First Batch Run results. Pagkatapos ng dalawang araw, kahit papaano’y makakapagpahinga na rin kami.

Sa mga nakakuha ng mga gusto nilang mga asignatura sa unang pasada, maligayang bati, mabuhay ka! Kung kuntento ka na riyan sa mga iyan, huwag mo nang galawin yun “rankings”, at baka may ma-misconfigure ka pa’t mawala pa sa iyo ang mga klaseng iya’t masira ang iyong kinaaasam-asam na schedule. Magdiwang ka na lang, at magpadala ng complimentary pizza sa CRS Team.

Sa mga may kulang pa, mabuhay pa rin! Kahit na 3.0 units lang yan, magpakasaya ka, dahil swerte ka pa rin na sa dinami-rami ng mag-aaral na sumali ngayon sa preenlistment ay nakakuha ka pa ng isang 3.0-unit subject. Isipin mo na lang na kahit papaano’y nanalo ka pa sa lotto, kahit na soli-taya lang. (Buti nga, bumalik pa, kaysa naman sa napunta sa bulsa ng PCSO.) Good luck na lang sa susunod na run, at mamiling mabuti dahil pagkatapos noon ay registration period na, at prerog na lang ang paraan upang makakuha ng mga kurso.

Sa mga wala namang nakuha, nararamdaman namin ang inyong hinagpis (at nakikiramay kami nang taos-puso), ngunit sana’y huwag niyo kaming sisihin nang lubos. Una, random ang batch run, kaya kami mismo ay probability lang ang maibibigay at di rin namin talaga masasabi nang lubusan kung masasama ka nga sa klaseng iyong inaasam-asam o hindi. Maaari rin namang ikaw ang problema: pwedeng hindi ka talaga sumali sa preenlistment na naganap, o masyado kang naging pabaya o over-optimistic noong ginagawa mo iyon. Marami-rami naman na rin kaming nailabas na mga dokumento kung saan nakasaad ang mga epekto at mga strategies na maaaring gawin upang mapataas ang tsansang makuha mo ang isang asignatura pagkatapos ng batch run; kasalanan mo na rin kung hindi mo ito binasa’t inintindi.

May susunod pa namang batch run na magaganap: bagong pag-asa sa mga estudyanteng nangangailangan pa ng mga klase, at bagong trabaho rin para sa CRS Team. Basahin lang natin ang mga FAQs na nagkalat para hindi tayo masyadong magugulat kung bakit ganoon na lamang ang naging resulta ng batch run.

At para sa mga taong nangho-hoard ng slots, makonsensya naman kayo. Hindi niyo rin naman makakain iyan, kaya ibigay niyo na lang sa iba. Nakatulong ka na sa mga nangangailangan, di ka pa mababansagang “dakilang epal”.


Comments

None.

Want to comment? Send an email.