Balut
Posted to Multiply on Jun 5, ‘10 3:35 PM.Balut.
Kapag naririnig ng mga banyaga, lalo na ang mga Amerikano, napapailing sila na tila bagang nakakapagsalita ka sa wika ni Satanas.
Balut.
Lalo na kung sasabihin mo sa kanilang kumakain ka nito, at napakasarap pa. Ewan ko na lang kung hindi ka nila tignan bilang Diyos o kampon ng impyernong mahilig sa kanibalismo.
Balut.
Tapos aalukin mo silang kumain nito. Huwag kang magtaka kung sabihin nilang komunista ka o mapasuka man lang sa harap mo, dahil normal lang na reaksyon ito.
Balut.
Ano ba ang mayroon sa balut?
At tsaka ano ba talaga: balut o balot?
Ang sosyal nga kung tutuusin dahil may sarili siyang entry sa Wikipedia. Balut ang pagkakabaybay niya. Ngunit sa mga wika nating hindi naman talaga mahalaga ang pagkakaiba ng ‘e’ sa ‘i’ at ‘o’ sa ‘u’, masasabi ko na parehas lang silang tama.
Ang balut at balot.
Nakakaintriga nga, kaya naman nagsaliksik ako nang kaunti (na isa lamang search operation sa Wikipedia), at nagtingin ng YouTube videos upang malaman ang mga reaksyon ng mga tao patungkol sa pinandidirihan at pinagmamalaking pagkain na ito.
Sabi sa Wikipedia, ang balut daw ay isang delicacy ng Pilipinas. Sinasabing dinala ng mga Intsik sa atin ang ideya nang pagkain nito, at kumbaga pinerpekto natin ang paggawa nito, lalung-lalo na ang mga tao sa Pateros. Naging parte na ng bawat Pilipinong naninirahan sa Pilipinas (ewan ko na lang sa mga Pilipinong isinilang at lumaki sa ibang parte nang mundo) ang balut, kung kumakain ka man nito o kahit naririnig mo lang ang malaawit na tawag ni manong/manang tuwing gabi nang ‘Baluuuut!’ sa kalye.
Masasabing paboritong pagkain ito ng mga Pinoy, lalung-lalo na ng mga manginginom (ayon sa Tagalog na bersyon ng Wikipedia).
Masarap naman talaga ang balut. Isa pa, medyo mura pa. Medyo kasi kahit na mababa ang presyo nito kumpara sa ibang mga pagkain, e nariyan pa rin ang epekto ng inflation at tumataas din ang presyo nito.
Ano ba ang mayroon sa balut na pinandidirihan ng mga taga-labas?
Kung tutuusin, medyo dapat din tayong magpasalamat sa balut dahil binibigyang-pugay nito ang Pilipinas (kahit na sa medyo negatibong paraan). Dahil ang mga balut na itong parang binabalewala lamang natin ay nariyang naisasama sa mga palabas na mga internasyunal, bilang isang disgusting na pagkain o di kaya nama’y ipinapakain sa mga kalahok sa Fear Factor at mga iba pang mga bigating palabas sa mundo (na hindi ko naman pinapanood, at wala akong pakialam sa kanila).
Sinasabi ng mga taong ayaw sa balut na abortion daw at may pagka-cannibalistic ang mga kumakain nito. Na hindi man lang daw tayo naawa sa mga sana’y hinayaan na lamang lumaking mga bibe.
Sinasabi naman nang mga pabor sa pagkain ito na ito ay masarap, at kumbaga ay isang pagkain lamang na hindi naman dapat katakutan o pandirihan. At kumbaga medyo lugi ka kung hindi mo pa naranasang kainin ito, lalo na kung ikaw ay isang Pilipino o isang banyangang gustong makaranas ng kulturang Pinoy.
Sa mga bukas naman ang utak sa mga ganitong bagay, ako’y naiinteresante sa mga sinasabi nila dahil may mga punto naman sila.
Isa rito ang pagsasabing hindi valid na rason ang paratangang mga walang-puso o di kaya’y mga cannibal ang mga kumakain ng balot, dahil kung tutuusin, mas marami pang mas weird na pagkain ang ibang bansa. Totoo naman, tulad na lamang nang nabasa ko dito tungkol sa ortolan. O ang mga pranses daw ay kumakain ng mga palaka (na ginagawa rin naman dito sa Pilipinas). At tama naman sila.
Kung tutuusin, maraming nagagawa ang mga salita. Tulad na lamang na walang karapatan ang mga gobyerno na ipagbawal ang porn dahil ito raw ay freedom of expression. O di kaya’y ang paggawa ng mga computer virus dahil ito ay freedom of speech. At pagdating naman sa isyu ng balut, bawal daw kainin ito (at hindi kumbaga dapat gawin ng isang matinong tao) dahil ito ay animal cruelty.
Teka muna. Animal cruelty?
E hindi ba ang pagpatay ng mga kambing at baka para kainin ay animal cruelty rin? Pati ang paghuhuli ng mga isda sa karagatan upang kainin?
E papaano pa kaya ang pagpatay sa daga, kuto, lisa, ipis, lamok, surot, at kung anu-ano pang mga insekto? Oo, alam kong hindi kasama sa kingdom Animalia ang mga insekto, ngunit sa isang common tao ay kasama sila (huwag mo nang kuwestiyunin dahil hindi naman ito nakakaapekto sa punto ko).
Madaling baluktutin ang mga isyung moral upang suportahan ang argumento ng isang tao. At ang dahilan kung bakit hindi dapat kainin ang balut ay isa sa mga aplikasyon nito sa totoong buhay (maliban pa sa mga ginagawa ng mga gobyerno sa buong mundo).
Sa tingin ko, sa mga taong ayaw kumain nang balut at ibinabato ang mga ganitong dahilan (maliban pa sa nakita ko sa YouTube na ang mga Pilipino daw sa sobrahng hirap ay kakainin ang kahit na ano para lang mabuhay), ay takot lang sila (o di kaya’y sadyang mga malalandi o maaarte) upang tuklasin ang kung anong mayroon sa pagkain na ito. Ako’y nagpapasalamat na lamang at hindi makikitid ang utak ng lahat ng tao.
Sabagay, kung pakikinggan mo man ako ay depende na lamang sa iyo, dahil sa huli, opinyon mo pa rin ang masusunod.
Ang masasabi ko lang ay huwag sana nating ikulong ang ating mga isipan sa mga kung ano ang inihaharap sa atin. Dapat ay matuto rin tayong kuwestiyunin ang mga alam natin, at tumuklas nang bagong kaalaman nang hindi agad namimintas o nanghuhusga.
Sa huli, irerekomenda ko pa rin ang pagkain ng balut kahit na sabi nilang hindi ito makatao (o kung ano pa mang kaepalan diyan), dahil sa huli ang balut ay pagkain lamang, at omnivorous tayong mga nilalang na pumapatay ng hayop at halaman para lamang mabuhay.
So, ano? Kain na tayo ng balut? Medyo nagugutom na ako e.
Comments
None.