Human Relations
Human relations: pakikitungo sa kapwa.
Isa sa mga pang-araw-araw na inuunawa ng mga tao sa buong mundo. Hindi lang ng mga may pera’t trabaho: ang simpleng pag-uusap sa gilid ng kalye ay naglalaman nito. Maaari nating sabihing ito ang nagdidikta ng halos lahat ng gawain ng tao (maliban siguro sa mga emo).
Ngunit madalas, ito rin ang nakakalimutang isaalang-alang ng mga tao sa kanilang pakikisalamuha sa kapwa nila sa araw-araw.
Mukhang inherent nga sa tao ang kagustuhang makontrol ang mga nasa paligid niya. Gusto niyang kontrolin ang kalikasan, kaya mayroong mga lungsod, bukirin at minahan. Gusto niyang makontrol ang ekonomiya, kaya may pera. At gusto niya ring kontrolin ang mga taong nasa paligid niya, kaya may gobyerno’t social class.
Wala naman talagang masama, para sa akin, sa paghahangad ng kapangyarihan. Tutal marami namang nagawang mga kabutihan dahil dito. Sana nga lang ay isinasaalang-alang pa rin ang pakikipagkapwa-tao sa bawat desisyon.
Sa lahat ng ayaw ko ay yung dinidiktahan ako. Hindi naman ako ganon ka-conceited na ayaw sumunod sa hiling ng iba, ngunit sana naman ay idaan sa tamang paraan. Ayaw ko rin yung pinamumukha sa akin na hindi ko ginagawa ang mga dapat kong gawin kung di naman totoo, lalo na kung alam ko namang wala ring ginagawa yung mga iyon kundi magwala.
Parang sabi nga ni Ted Failon sa umaga, may mga “taong naghahangad ng pagbabago, samantalang sila naman ay walang pagbabago”. Hindi ko sinasabi na santo ako na hindi nagkakamali; baka nga sa larangan ng pagkakamali ay mataas ang grado ko. Kaya nga hindi ko makasundo ang mga moralista, lalo na yung sa tingin nila ay ang linis linis nila ngunit konting tingin lang ay may makikita kang echas.
Isa rin sa mga kinaiinisan ko, kung di man kinagagalitan, ay yung mga taong gusto nilang sila ang pinakikisamahan kaysa sa sila ang makisama. Hindi ko sinasabing pag may nag-aya na mag-drugs ay sasama ka na. Mahahalata naman sa isang tao kung totoong nakikisama siya sa nagkukunwari lang sa mga sadyang makapal ang mukha. Ang kaso nga lang, kaunti lang ang nakakahalata nito.
Ewan. Mukhang pagbabago nga lang talaga ang permanente sa mundo. Sana nga sa paglipas ng panahon ay magbago ang mga taong ito sa pamamaraang makakapagpabawas, at hindi makakapagparami, ng mga epal sa mundo. Kaso mukhang mayroon din silang law of supply and demand, kaya sadyang hindi mawawala ang ganito kahit gaano pa mang katagal na panahon ang lumipas.
Grabe lang talaga; napakagulo ng salaysay na ito.
Comments
None.