WTC Day: Whatever.
Ngayon ay ang araw na ginugunita ng Amerika ang pag-atake ng mga terorista sa WTC noong 2001 nang araw ding ito. Dito pinabagsak ng mga terorista gamit ang tatlong eroplano ang dalawang gusali ng WTC sa New York. Ito rin ang naging excuse ni Bush upang giyerahin at guluhin ang buhay ng mga tao sa Iraq at Afghanistan upang mapatay raw ang mga sangkot sa pag-atakeng ito sa isa sa mga pinakamakapangyarihang bansa sa mundo sa kapanahunan natin ngayon.
Kaya naman nakakainis makinig ng radyo ngayon. At ganoon din siguro ang mararamdaman ko kapag kaharap ko ang TV.
Naiinis ako hindi dahil sa ginawa ng mga terorista ngayong araw na ito sa Amerika (kawawa daw sila), ngunit dahil sa sobrang emphasis ng media ngayon sa araw na ito. Oo, naapektuhan ang buong mundo. Oo, nagbago ang mukha ng terorismo. Oo, nagkaroon ng giyera sa modernong panahon. Pero kung titingnan mo, ano naman para sa ating mga Pilipino? Umunlad ba ang Pilipinas dahil dito? Tumaas ba ang bilang ng trabaho at budget ng UP at SUCs noong nangyari ito? Natanggal ba sa puwesto si GMA noong Setyembre 11, 2001? Hindi naman, ‘di ba? Sa katunayan nga, puro negatibo lang ang sagot sa mga katanungang ito.
Naiintindihan ko naman na, malamang, big deal ito sa mga Amerikano, kasi bansa, ekonimiya at mga gusali nila iyon. Medyo big deal din ito sa mga OFWs na naroon nang mga araw na iyon, dahil kahit papaano’y nasangkot din sila at ang kanilang mga pamilya’t kamag-anak. Pero sa ordinaryong Pilipinong hindi makahanap ng trabaho dahil sa sobrang taas ng mga kwalipikasyong hinihingi ng mga kumpanya sa kanya, o ‘di kaya’y kay manong tsuper na naiirita sa lingguhang pagtaas ng presyo ng gasolina, o kaya naman sa isang estudyanteng namomroblema kung matatapos ba niya ang thesis niya o hindi, kailangan pa ba nilang masyadong dibdibin ito?
Bakit, concerned ba sila na dito sa Pilipinas ay maraming taong nagugutom at walang tirahan? Iniisip din ba nila ang giyera sa Mindanao? (Oo siguro; laking epal nila roon.) Tumugon (at tumutugon) ba sila sa hiling ng sandamakmak na taong pinapaalis ang mga base militar nila sa kung saan-saang panig ng Pilipinas nakatayo? Willing din ba silang tulungan ang Pilipinas sa pagbabayad ng utang-panlabas natin? Hindi naman, ‘di ba?
Siguro nga, unfair din na kebs lang tayo sa araw na ito, dahil medyo malagim din nga naman ang nangyari. At kahit papaano naman, natuwa rin ako noong pinapanood ko sa YouTube ang pagbagsak ng mga gusaling nabanggit taken at different angles; astig kasi ng mga kuha. Pero kung ito na lang ang magiging centerfold ng bawat pahayagan sa bansa nati’t main report sa telebisyo’t radyo, e mukhang may mali na ata. Bakit, para sa mga Pinoy ba, mas mahalaga ba ang pangyayaring ito kaysa sa bagong bagyong inaasahang papasok ngayong gabi? Mas mahalaga pa ba ito kaysa sa isyu ng pork barrel ng mga politikong napapaniwala tayong nagtatrabaho sila? Mas karapat-dapat pa ba ito kaysa sa ulat-trapiko sa lungsod ng Quezon? Mas importante pa ba ito kaysa sa mga landi moments ni Kris Aquino araw-araw sa TV? Siguro, alam na nating ‘hindi’ ang sagot sa mga katanungang ito.
Iyan din kasi ang hirap sa ating mga Pilipino: masyado tayong nasisilaw sa “greatness” ng Amerika. Weird lang, kasi wala namang ganyang masyadong nararamdaman ang mga Pilipino pagdating sa mga Kastila’t Hapon. Ni ultimo nga ata sa sariling kakayanan ng mga tao rito, wala na rin. (May dalawa akong kakilalang hindi proud maging Pilipino. Iyong isa, dakilang epal; iyong isa, social norms ang ayaw niya (medyo reasonable naman). Yung sa nauna, bahala siya sa buhay niya; sa ikalawa, 50-50 ako.)
Masyado natin silang iniisip; ginagatasan naman nila tayo sa pamamagitan ng ating natural resources. Ang galing lang.
Sabagay, hindi na rin natin siguro masisisi ang media; kailangan nila ng matataas na ratings kaya pumapatol sila sa mga kalokohang tulad nito. Noong nakaraang buwan ng lang, pinagtripan si Christopher Lao. Benta nga siya. Yun nga lang, Pilipino rin mismo ang sinisiraan, kaya siguro mas bumenta.
Pansin niyo, ang hilig tayong siraan ng ibang bansa, pero hindi naman natin sila masiraan? Oo, nagagalit tayo, pero hanggang doon lang. Hanggang demands of public apology. Samantalang ang Spratly, inaangkin na ng China, wala tayong (masyadong) magawa. Ang corny naman.
Ewan. Minsan talaga hindi mo na rin alam kung sino ang may pakana’t dapat sisihin: ang gobyerno ba, ang ibang bansa, o tayo na rin mismo. Pangit lang kasi sa atin, hanggang sisihan lang, wala namang umaaksyon para masagot ang (mga) isyung nagpasimuno ng sisihan.
Ay basta. Sa mga Amerikano: sige lang, i-enjoy niyo ang araw na ito. Sa atin namang mga Pilipino: huwag masyadong seryosohin. Una, hindi pa naman tayo ganoon ka-sikat, ‘di ba? Ikalawa, wala pa namang masyadong mapapala ang mga terorista sa atin, kaya naman kung atakihin man nila tayo, ano naman? At tsaka, wala pa tayong gusaling kasing-taas ng WTC. LOLz lang sa mga gustong magpabagsak ng building. Ikatlo, mas marami pang mas mahalagang isyu kaysa rito, tulad na lamang ng RH Bill na sabi ng simbahan ay naapi raw sila (epal lang talaga), at kung magkakatuluyan ba sina at.
Ang saya talaga sa bansa natin. Ang daming fluff na iniisip ng mga tao.
Comments
- christine mae bitio [2012-11-13 02:10:49] ang astig…!…sarap tularan…!