Maligayang Pasko!
Pumunta ako ng Puregold kanina para bumili ng supplies ko para sa darating na linggo. Medyo wala ako sa mood dahil mainit; grabe lang talaga. Sadyang ganito yata talaga pagkatapos umalis ng isang bagyo.
Natuwa naman ako dahil pagpasok ko pa lang, naririnig ko na ang pinatutugtog nila: Christmas song medley. Remixed. At nakakabit pa sa kanta ng Pink na Get The Party Started.
Paalala: ikaapat pa lang ng Setyembre. Ngunit nagpapatugtog na sila ng mga ganitong klase ng mga kanta.
Ako’y isa sa mga mangilan-ngilang mga tao (kung existent nga sila) na naniniwala na hindi lang tuwing pasko dapat pinatutugtog ang Christmas songs, kahit na iyon ang dahilan kung bakit sila tinawag na ganoon. “Walang basagan ng trip,” ika nga ng aking kapatid, kung trip nilang magpatugtog ng ganyang klaseng mga kanta sa lamay, halimbawa. Kaya naman medyo kebs ako kung tutuusin.
Ngunit para sa mga Pinoy, may ibig sabihin ang araw ng Setyembre, o September para sa mga (pa-)sosyal. Dahil pagdating ng tinatawag na ber months, isa lang ang ibig sabihin nito: Pasko na.
Kristiyano man o hindi, maraming tao ang natutuwa pagdating ng pasko. Ngunit, iba ang mga Pilipino, dahil “opisyal” na nagsisimula ang pasko sa Pilipinas pagpatak ng ika-unang araw ng Setyembre. Isang indikasyon nito ang nangyari kanina sa Puregold.
Siguro naman, kahit papaano’y katanggap-tanggap na rin ang blog entry ko na itong patungkol sa pasko sa ‘Pinas.
Ito na lang ang masasabi ko ukol sa isyung ito:
- Maaga ang pasko sa Pilipinas. Walang dapat ipagtaka, dahil parang tradisyon na rin ito’t parte na ng kultura ng Pilipinas.
- Mahaba ang pasko sa Pilipinas. Malamang.
- Masayang mamili habang nakikinig ng Christmas songs, lalo na kung medley at medyo mabilis ang tono. Nakakainis, dahil nadala ako ng epekto nito’t mas ginanahan akong mamili, kahit na alam kong mawawalan din ako ng pera sa huli. Siguro, taktika ito ng mga mall upang mas makabenta sila, at marahil ito rin ang rason kung bakit mas gusto ng mga taong mamili tuwing pasko at nakakapagtiis makipagsiksikan sa mga taong nagra-rush mamili. Buti na lang hindi ako naging one day millionaire kanina.
- Tataas na naman ang kita ng mga kumpanya sa darating na mga buwan. Ngunit asahan ang pagbaba ng ipon sa bangko, malimit na pag-o-overtime ng mga empleyado para kumita ng mas maraming pera, at ang pagdami ng mga manggagawang nagmamakaawang itaas ang kanilang mga sahod. Huwag na ring magtaka sa nakasanayan nang mga reaksyon: pagsibak sa puwesto, fire hose, o di kaya’y mapait na katahimikan.
- Maraming tao ang magtataka kung bakit wala na silang madudukot pagdating ng Marso. Malamang! Tandaan: nagsisimula pa lang ang pasko, at magtatapos ito sa Marso. Good luck na lang sa inyo.
Tandaan: Hindi pera o kabonggahan ang gustong ipahiwatig ng Kapaskuhan. Kung iyon lang ang nakikita mo at Katoliko ka, magpakamatay ka na lang. Bawas gastos na sa pamilya mo (in the long run), bawas CO2 emitter para sa ikabubuti ng mundo, at siyempre, bawas din sa bilang ng mga taong dapat regaluhan (at mang-aagaw sa mga regalo).Maligayang pasko sa ating lahat! :)
P.S.: All-in-one package para sa mga hindi makapaghintay:
- Setyembre: Maligayang (simula ng) Pasko!
- Oktubre: Happy graduation! para sa mga Octoberian, at Happy Halloween! para sa mga nagdiriwang nito.
- Nobyembre: Maligayang araw ng mga patay. (Tinding paradox nito.)
- Disyembre: Maligayang pasko ulit.
- Enero: Maligayang bagong taon!
- Pebrero: Maligayang araw ng mga puso! Nakikiramay rin ako sa mga heartbroken (o walang heart at/o broken) sa araw na ito. Araw din ito ng mga em; inuman na lang tayo mamaya sa kanto.
- Marso: Maligayang pagtatapos! para sa mga graduates, at Maligayang pagtatapos! din dahil natapos na rin ang Pasko. (Pero nakakatamad talagang iligpit ang Christmas tree; sa susunod na buwan na lang ulit (ad infinitum).)
Comments
None.