Murang Yellow Pad
Bihira akong mag-endorso ng produkto. Ginagawa ko lang siguro ito kung may nagtatanong sa akin, o kung may nakatuwaan ako. Kaya naman ang suwerte ng produktong pag-uusapan natin ngayon, dahil masasabing first time na sobrang natuwa ako’t kailangan ko siyang gawan ng blog entry. (Sa totoo lang hindi ito ang kauna-unahang produktong ginawan ko ng blog entry; nauna ang Linux sa anyo ng mga testimonials at reviews.)
Isa sa mga popular na school supplies, lalo na sa mga nagko-kolehiyo, ang yellow pad. Ito ang replacement sa kolehiyo ng intermediate pad na ginagamit madalas sa high school, na replacement din ng Grade n pads na ginagamit ng mga Grade 4 pababa. (Sa mga hindi pa rin naka-gets, Grade n siya kasi mayroong Grade 4, Grade 3, Grade 2, at Grade 1 na mga papel. Mayroon pa nga yatang mas “mababa” para sa mga nasa kinder.) Ito rin ang ginagamit sa mga love letters kung walang stationary, at ito rin ang papel na palaging hawak ni Charo Santos sa Maalaala Mo Kaya.
Kahit na medyo mataas-taas naman ang demand, mas mahal ang papel na ito kumpara sa ibang klase ng papel, tulad ng coupon bond at ng nabanggit nang intermediate pad. (Hindi ko alam kung bakit, pero puwede rin namang sadyang mahal talaga ang produksyon nito (kasi may kulay’t mas malaki ang surface area nito kumpara sa coupon bond at intermediate pad), o sadyang kailangang malaki dapat ang kita ng mga kumpanyang gumagawa nito.) Base sa mga nakita ko nang brands nito sa mga malls, masasabi kong nasa ₱40 ang mean price with a standard dev of, siguro, ₱1. 80 leaves ang bawat pad.
Kaya naman laking tuwa ko nang makita kong makakabili na ako ng nasabing produkto sa halagang ₱18 (as of writing).
Base sa nakalagay sa likod ng papel, ito ay inilalako ng kumpanyang Pines Paper Products Corportation na nasa Baesa, Quezon City. Hindi ko alam kung saan iyon, basta ang alam ko lang ay malapit (siguro) sa UPD. Nabili ko ang papel sa National Bookstore sa banda ng Delta, malapit sa opisina ng BIR.
(Pasensya na sa mga imahe; bano ang camera ng MP4 player ko.)
Economy Yellow Pad ang pangalan ng produkto. 80 leaves, tulad ng sa iba. Standard din ang sukat, nasa 8.5in x 13in. At tulad ng nasabi na kanina, napakamura: ₱18 ang isa.
Economy Yellow Pad manufacturer
Mukhang ayos naman, ngunit hindi ito para sa lahat. Una, mukha siyang Manila paper na ginawang yellow pad. Sabagay parehas naman silang dilaw, ngunit alam naman nating lahat kung ano ang Manila paper: hindi siya ganoon kaganda kumpara sa writing pad. At tsaka manipis siya, di tulad ng iba na medyo makapal.
Economy Yellow Pad against flourescent lamp light
Mukha rin siyang gawa sa recycled paper (hindi ito nakalagay sa likod ng papel; hinuha ko lang ito), na makakapagpaliwanag kung bakit napakamura ng papel kumpara sa iba (maliban pa sa nasa siyudad ng Quezon ang kumpanya, tulad nang nasabi na sa itaas). Pero para sa akin, mas tatangkilikin ko pa ang papel na ito kung gawa nga ito sa recycled paper kaysa sa tinatawag nilang virgin pulp.
Bakit ka niyo ko tatangkilikin ang papel na ito kung medyo hindi naman quality tulad ng iba? Una, scratch paper ko lang ang yellow pad, kaya naman wala akong rasong mag-inarte ukol sa kalidad nito. Hindi ako mayaman, pero napagtanto ko (at ng iba na rin siguro) na mas magandang mag-aral sa isang malinis na piraso ng yellow pad kaysa sa isang malinis na espasyo sa scratch paper, lalo na kung ika’y sumasagot ng Calculus at Statistics problems. Ikalawa, Computer Science ang kurso ko, kaya naman hindi ko masyadong kailangan ng papel para gumawa ng mga bagay-bagay. At kung kailangan ko mang magpasa ng paperwork, malamang na naka-print ito sa A4 paper, o di kaya’y ipapasa ko na lang ang nasabing gawa na naka-PDF sa pamamagitan ng email.
Kaya naman sa mga taong nangangailangan ng murang yellow pad o sadyang kuripot gaya ko, bili na kayo ng Economy Yellow Pad. Tandaang nabili ko ito sa National Bookstore (na kilala ring manininda ng mga abot-kayang kagamitan sa mas mahal na halaga), kaya naman baka mabili niyo ito ng mas mura sa iba. Ngunit hindi ko ito nirerekomenda sa mga ilitista o sa mga taong mas gusto ang mas may quality na papel, kahit na gagamitin lang nila ang lahat ng pahina bilang scratch. Sa kaso nila, ibang papel na lang ang bilhin nila.
P.S.: Huwag kayong mag-alala, dahil hindi naman ako masyadong magastos sa paggamit ng papel, at nire-recycle ko rin naman ito kahit papaano, at binebenta sa Trash to Cash ang mga gamit nang mga piraso.
Comments
- Lheng Mendoza [2011-11-22 01:17:02] correction po, “stationery” is the term for the designed paper we used for writing letters. “stationary” means “not moving”. e.g. stationary bike