4 Years ≟ ∅
Isang problema ng mga magkarelasyon (mag-asawa (ligal man o hindi) o simpleng bf/gf) ay ang pagkawala ng tinatawag nilang “spark”. Hindi kidlat o discharge mula sa Tesla coil, ngunit ang excitement na kaakibat ng isang relasyon. Ito ang isa sa mga nagpapatibay ng isang relasyon dahil pinapalitan nito ang pagkabagot ng pagkasabik sa bawat pagkikita o pagsasama, matagalan man o kahit saglit lamang. Kumbaga sa isang chemical reaction, ito ang tinatawag na excitation energy; kung wala ito, maaaring tumigil ang pag-react ng mga kemikal at maudlot ang pagkabuo ng (mga) produkto. (Sa kaso ng isang relasyon, ang produkto ay pang-matagalang pag-ibig sa isa’t isa.)
Isa siguro sa mga dahilan ng pagkawala nito ay mahihinuha natin mula sa isang kasabihang Ingles na “Familiarity breeds contempt”. Parang sa isang bagong laruan o gadget: kapag bago, may motivation na gamitin, dahil maaaring may mga magagandang katangian ito na hindi pa nakikita ng gumagamit. At siyempre, habang hindi pa ito nasisira o nawawalan ng gamit (o saysay), gagamitin mo ito nang gagamitin, at itatabi o itatapon at papalitan kapag nalaspag na.
Dahil sa familiarity, o lubos na pagkaalam, sa isa’t-isa, maaaring mawalan ng saysay ang isang relasyon. Parang sa bagong kasal: una, masaya, lalo na sa honeymoon, ngunit habang tumatagal, nagsasawa na sila sa mukha at katangian ng bawat isa, kaya nawawalan ng spark at ng excitement ang relasyon. Kaya naman napapadalas at tumitindi ang mga pag-aaway at naiisipang maghiwalay na lamang, o kung hindi ma’y nakikiapid para lamang maramdamang muli ang kinakailangang ligayang nawawala o wala na sa orihinal na relasyon. (Babala sa mga mambabasa: ito’y mga hinuha ko lamang. Pakisulat na lamang po ang mga reaksyon at ezperiences sa comments section.) Ngunit kapag muling naramdaman ang spark, nagiging mas masaya at matatag muli ang samahan.
Kaya siguro mas magandang hindi laging nagkikita ang magsing-irog, o punctuated ang kanilang pagsasama ng mga panahong kailangang maghiwalay (maaaring dahil sa kakailanganang mangibang-bansa, o di kaya’y dahil sa isang malubhang kalagayan) upang mapanatili ang spark, dahil nagkakaroon ng pang-unawa ang bawat isa sa kahalagahan ng kanyang kapareha, at sa mga panahong hindi sila maaaring magkita nila mahihinuha kung gaano (na) kalalim ang kanilang nararamdaman para sa isa’t-isa, at kung gaano nila kakailangan ang bawat isa.
Ang pagkakaibiga’y gayon din, mas mababang lebel nga lamang kaysa pag-ibig (malamang). Ang pagkakaibiga’y nabubuo sa dalawang taong may pagkakatulad ng interes, at tulad ng isang pagmamahalan, nagtatagal ng dahil sa spark.
Karamihan (kung hindi man lahat) ng tao ay may kaibigan. Mayroong mag-best friend(s), mayroon din namang mayroong barkada. Mayroon din namang nagsimula sa kaibigan, at naging full-blown pagkalipas ng mga taon.
Sa tanang buhay ko, masasabi kong marami rin naman akong naging kaibigan, ngunit kaunti lang talaga iyong naging sobrang kalapit ko, iyong mga tinatawag kong best friend(s). Siguro pinakamarami na ang tatlo sa isang yugto ng buhay ko (siguro isa noong nursery-kinder, isa noong elementarya, dalawa noong sekondarya, at dalawa ngayong ako’y nasa unibersidad na), kaya nga pabiro ko minsang sinasabi sa kanila na suwerte sila dahil naging best friend nila ako.
Sa mga naging (at hanggang ngayon) kaibigan ko (pa rin), maraming salamat sa pagtanggap sa akin bilang ako, at asahan niyo tinatanggap ko rin kayo bilang kung sino ba talaga kayo.
Oo, nag-aaway at nagkakapikunan din kami paminsan-minsan, ngunit hindi sapat upang masira ang pagsasamahang umaabot sa hindi bababa sa apat na taon.
Ngunit iba ata sa pagkakataong ito.
Sa pagkakaalam ko, nawala ang friend status ng mga nakaraan kong mga kaibigan dahil sa distansiya, dahil maaaring pumasok siya sa ibang paaralan, o hindi kaya’y lumayo kami sa kanila dahil lumipat kami ng tirahan (sa kaso ng kaibigan ko noong bata pa ako (kinder pababa)). Ngunit kahit papaano nama’y may effort akong panatilihin ang pag-uugnayan namin (mapa-sulat man, email, o text), hanggang sa burahin na ng panahon (at ng ibang tao) ang pagkakaibigang dati’y kay saya.
Pero sa ngayon, mukhang may masisirang pinaghirapan.
Ayaw ko nang magkuwento tungkol dito. Bulleted points na lang ang ihahandog ko para sa mga gusto ng iskandalo.
- Sana hindi na lang ako nagpumilit na makasama ka. Siguro isa sa mga nagpapanatili ng spark ay iyong distansiya natin, kaya naman baka mas matino nga kung hindi na lang tayo ganito kalapit (as in literal: siguro metro lang kung hindi man sentimetro ang layo mo sa akin).
- Sana mas balat-sibuyas ka, kasi kung marunong ka lang makiramdam, mahihinuha mo na hindi ako natutuwa sa mga pinaggagagawa mo.
- Sana mas pranka ako, at least siguro mas naibulalas ko at naiparating sa iyo ng harap-harapan ang aking mga hinaing patungkol sa mga gawa mo.
- Sana hindi ako ganito kabait, para naman kahit papaano’y seryosohin mo naman ako.
- Sana hindi ka na lang nagka-laptop; mas masaya kung tutuusin at hindi siguro darating sa punto na ito ang pagkakaibigan natin.
- Sana mas naging maunawain ako, para kahit papaano’y naunawaan ko na baka sadyang ganyan ka lang.
- Sana mas mataas ang intensity ng wavelength(s) mo, para kahit papaano’y naramdaman, at nalaman, ko rin kung may ginagawa na ba akong hindi husto sa iyong panlasa.
- Sana maaaring ibalik ang oras, para may tsansang ibalik sa dati ang lahat.
Kung makarating man ito sa kaaalaman niya, basahin niya sana ang mga kahilingang ito. Pagkatapos, sana magbago na lang siya. Huwag na niya akong kumprontahin, dahil mahina ako sa ganoon, at baka may masabi pa akong mga bagay na ikakasama lang namin ng loob.PAUNAWA: Hindi ko pa naman pinuputol ang ating pagkakaibigan sa ngayon. At kaya ko ito sinulat ay para maiparating sa iyo (kung binabasa mo man ito ngayon) ang aking mga saloobin, dahil mahina talaga ako pagdating sa harap-harapang pag-uusap. Sana magkaintindihan tayong muli at mahanap ang intersection para bumalik ulit ang spark ng pagkakaibigan nating malapit nang mag-limang taon.
Author’s note: Honestly, hindi ko alam kung ano ang magiging resulta nito. Bahala na.
Comments
None.